Mabanglo, Tila Ako si Bidasari
November 11th, 2007
Tila Ako si Bidasari
Ruth Elynia S. Mabanglo
Tila ako si Bidasari–
Patay sa araw, buhay sa gabi:
Naghihintay kay Sultan Mogindra
Na sa buhay ko’y ikaw;
Naghihintay ng maalamat na halik
Na isiil mo sa dagat na dibdib
Upang ibangon ako
Sa masasamyong panaginip.
Laon,
Laon na,
Laon na ngang ako’y naghihintay
Sa mga hubad na paang iyong idadantay
Upang muli’t muli’y iyong mapasiklot
Ang kilii kong natutulog
Sa balakang at batok,
Ay, dilim lamang ang aking kaibigan,
Ang karagatang lalanguyan
Ng gintong isda ng aking pagnanasa
Kaya’t doon
Doon mo iamba
Ang salakab ng dudupil
Sa malay ko’y pagkamulat.
Lambat mo’y ihagis,
Ihain ang bitag,
Lamayin ako sa iyong magdamag.
Entry Filed under: echoes
1 Comment Add your own
1. lourdes c. punsalan | November 22nd, 2007 at 8:06 pm
tamang-tama sa aralin ko sa sabado, napapanahon sa pagsusuring takda sa mga mag-aaral sa Holy Cross College, Sta Ana Pampanga
Leave a Comment
Trackback this post | Subscribe to the comments via RSS Feed